Skip to content

Green color

Default screen resolution  Wide screen resolution  Increase font size  Decrease font size  Default font size  Skip to content Default color Pink color Green color Green color
Home
ng Kaparaanan ng Kagandahang Asal sa Islam PDF Print E-mail

Ang Kaparaanan ng Kagandahang Asal sa Islam

Ni Abul 'Ala Al-Mawdudi

Salin sa Wikang Pilipino ng PLPHP

 

 

Ang tao ay likas na pinagkalooban ng biniyayang taglay ng kagandahan asal, na siyang nagsisilbing gabay sa kanila sa paglipas ng panahon at nagbibigay linaw sa kanila kung ano ang tama at mali, at mabuti at masama. Bagama’t ang pamantayan kung papaano natin sasabihin na ang isang katangian ay mabuti o masama ay magkakaiba sa bawa’t tao, may pangkalahatang pagkakaunawaan hinggil sa mga pamantayan ng mabuting asal at ang masamang asal. Samakatuwid, ang mga katangian tulad ng katapangan at katapatan ay sadyang pinaparangalan. At walang panahon sa kasaysayan ng tao na ang katangiang tulad ng kawalan ng katapatan at paglabag sa pagtitiwala ay tinanggap ng lipunan o bagay na karapat dapat ng parangal. Ang katapatan, kadakilaan, at pagkamatuwid ay laging binibigyan ng halaga, samantalang ang pagkamasarili, kalupitan, kasakiman at kalabisan ay kailanman hindi tinatanggap ng mamamayan sa pangkalahatan. Ang katatagan, pagsusumikap at lakas ng loob ay mga katangian na labis na hinahangaan at iginagalang ng tao, samantalang ang kawalan ng pagtitiis, kawalan ng katiyakan at kahinaan ay binibigyan ng maliit na kahalagahan. Karangalan, disiplina sa sarili, kabaitan at pagkamapagkaibigan ay sadyang tinitingalang katangian hindi tulad ng paghahambog sa sarili, kayabangan at kawalan ng galang ay kailanman hindi kabilang sa mga kagandahang asal. Ang taong may kusang pagmamalasakit at katapatan sa kanyang tungkulin ay tinitingala at iginagalang habang ang taong tamad at pabaya maging sa kanyang tungkulin ay hindi pinapansin at kinamumuhian sa lipunan.

 

Magkaganoon, ang isang lipunan na matatag at masugid na itinataguyod ang pagkapantay-pantay, hustisya at kalayaan ay nakikitaan ng liwanag. Ang lipunan na laganap ang kaapihan, kaguluhan, pagkawatak-watak at ang kawalan ng samahan o pagkakaisa ay patungo sa landas ng pagbagsak, sapagka’t pinabayaan nilang mabulok sa haba ng panahon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga nakakasamang patakaran o pamamalakad na siyang nagwasak sa mga pangunahing batayan kung saan ito naitatag. Ang pagnanakaw, pangungupit, pagpatay (ng walang dahilan), pangangalunya, at pandaraya o panlinlang ay sadyang kinamumuhian. Ang paninirang-puri, pananakot at pagsuhol ay mga gawaing nakakasama sa lipunan. Kabaligtaran nito ang pag-aaruga sa mga matatanda, tapat na pakikipagkaibigan, pagtulong sa mga kamag-anakan, pagmamalasakit sa kapit-bahay, pagtatanggol sa mga mahina at naapi at ang pangangalaga sa mga may sakit ay mga dakilang gawain mula pa noong simula ng kabihasnan.

 

Ang mga taong maginoo, tapat, tuwid at mapagkakatiwalaan, mga taong palaging handa sa pagtulong sa kanilang kapwa, mga namumuhay nang may kapayapaan ay ninanais din na ang kanilang kapuwa tao na mamuhay ng tulad nito ay siyang bumubuo sa pangunahing haligi ng mahusay at malusog na lipunan. Ang kabutihan at kasamaan ay hindi mga kasaysayan o alamat na naghihintay na muling buhayin, bagkus ay bahagi ng ating pang-araw-araw na pamumuhay at tunay na ang Allah (swt) ay binigyang-biyaya ang sangkatauhan ng likas na kaalaman ng tama at mali. Sinabi ng Allah (swt):

 

At Kanyang ipinamalas (sa inspirasyon) sa kanya kung ano ang tumpak at mali; [Qur’an, 9:8]

 

 

Maaring magkaroon ng mga katanungan katulad nga mga sumusunod:

 

1.      Kung ang pangunahing asal ng kabutihan at kasamaan ay tinanggap ng pangkalahatan, bakit nagkaroon ng iba’t ibang uri at pamamaraan ng pag-uugali ang ating masasaksihan sa mundo?

 

2.      Bakit maraming magkasalungat na mga pilosopiya o prinsipiyo?

 

3.      Saan ba ang puno’t dulo ng pagkakaibang ito?

 

4.      Paano natin patotohanan na ang Islam ay siyang nagbigay ng ganap na pamantayan ng asal o moralidad?

 

5.      Anong ang mga natatanging ibinahagi ng Islam sa larangan ng kagandahang asal o moralidad.

 

 

Ang mga katanungang ito ay mahalaga at kailangang harapin ng lubos na pag-iingat at may kahinahunan. Tatalakayin lamang natin ng payak ang mga paksang ito. Ang mga sumusunod ay magsisilbing maigsing pagpapaliwanag sa mga naunang katanungan.

 

1.      Ang kasalukuyang pamantayan at kaparaanan ng kagandahang asal ay hindi napagkaisa ang kahalagahan ng kagandahang asal  at mga kinaugalian sa pamamagitan ng pagtatag ng tumpak na mga hangganan at dahil dito, ang pantay at malinaw na balangkas sa pag-uugali ay hindi naisakatuparan.

 

2.      Bawa’t pamantayan ng kagandahang asal ay may ibang pang-unawa kung ano ang mabuti at kung ano ang masama, samakatuwid ang pamantayan sa kagandahang asal ay magkakaiba. Ang isang pagpapalagay ay mahirap mapatutunayan dulot nang kinauukulang nasa likod nito ay magkaiba sa iba. Ganoon din na ang kaisipang ginamit upang mapag-alaman ang layunin ng tao upang sumunod ng isang kaparaanan ng pag-uugali at hindi sa iba.

 

3.      Mapapag-alaman natin sa pamamagitan ng taimtim na pag-iisip na ang mga pagkakaibang ito mula sa ating magkakasalungat na mga pananaw at kaisipan hinggil sa sanlibutan, ang kinalalagyan ng tao at layunin ng pananatili ng tao sa daigdig. Ang dami ng mga relihiyon, pilosopiya, idolohiya at panukala (theories) na nananatili ay mga patunay at salamin sa mga pagkakaiba at ang paglihis ng mga pananaw ng tao sa mga pangunahing katanungan at marami pang iba, tulad ng:

 

a.      Mayroon bang Diyos?

b.      Ano ang Kanyang mga Katangian?

c.      Ano ang ugnayan ng tao at ang Diyos?

d.      Ang tao ba ay may pananagutan sa kanyang mga gawa sa buhay na ito?

e.      Bakit nilikha ang tao?

 

Ang paraan ng pamumuhay ng isang tao at ang kanyang asal ay nababatay sa kanyang kasagutan sa mga katanungang nabanggit sa una. Subali’t sa atin lamang tatalakayain ang pananaw ng Islam sa kagandahang asal.

 

 

Ang Pananaw ng Islam sa Buhay at Kagandahang-asal

 

Ayon sa Islam, ang sanlibutan ay likha ng Allah (swt). Siya ang Tagapamahala at Tagapagtustus sa sanlibutan. Siya ang Maalam, ang Makapangyarihan, ang Nakababatid. Ang Kanyang Kamaharlikaan ay malaya mula sa anumang uri ng pang-aapi at pagtatangi-tangi. Ang tao ay likha ng Allah (swt), ang Kanyang pinamumunuan at alipin na ipinanganak upang maging matapat at sumamba sa Kanya. Ang tao ay inutusan upang mamuhay ng may buong pagtalima sa batas ng Allah (swt).

 

Sa paglipas ng panahon, ang Allah (swt) ay nagsugo ng mga propeta upang patnubayan at turuan sila sa mga bagay na ito. Ang tao ay nabigyan ng kalayaan upang piliin kung susunod ba siya o hindi sa mensahe ng mga propeta at manatili sa kanilang mga katuruan, subali’t maging anumang landas ang kanyang tatahakin ay kanyang pananagutan ito at ang mga dulot ng mga gawaing bunga nito. Samakatuwid, ang panahon ng tao sa daigdig na ito ay maaring isang pagkakataon upang ihanda ang kanyang sarili, sa husay na abot ng kanyang makakaya para sa kabilang-buhay. Ang lahat ay mananagot sa sariling gawa at walang iba ang mapaparusahan sa pagkakasala ng iba. Ang Araw ng Paghuhukom ay magbibigay ng lakas sa lahat ng naniniwala upang mamuhay ayon sa mga katuruan ng Islam, sa pag-asa na kanilang makakamit ang kaligtasan.

 

Ang paglalahad sa pananaw ng Islam sa buhay at kagandahang asal ay iminulat sa atin na ang pangunahing layunin ng tao ay upang kaluguran ng Allah (swt). Sa Islam, ito ang pamantayan ng isang asal upang bigyang hatol bilang mabuti o masama. Ang pamantayang ito ay ang siyang buod o kalagitnaan kung saan ang kagandahang asal ay umiiral. Ang tao ay hindi iniwan na walang patnubay at gabay upang maligaw sa tuwid na landas at mahulog sa kadiliman. Ang Islam ay nagbigay sa tao ng matatag at pantay na saligan ng asal at kaugalian para sa lahat ng mga gawain na nababatay sa moralidad. Dagdag pa rito na ang upang makamit ang kaluguran ng Allah (swt), bilang adhikain ng tao sa kanyang pamumuhay, ang lagusan ng walang hangganang maaring patutunguhan ay bukas para sa pagsulong ng kagandahang asal, sapagka’t sa anumang sandali ay maaring magapi ng karamutan, makitid na pag-iisip, pagmamataas o pagmamalaki

 

Ang ating kaalaman sa bisyo at mataas na uri ng kabaitan ay hindi dapat nababatay lamang sa talino, nais, akala o karanasan, sapagka’t ang mga katangiang ito napapailalim sa palagiang pagbabago ayon sa pag-uutos ng kapangyarihan mula sa labas. Magkaganoon, hindi sila maaring makapagbigay ng tumpak na saligan ng moralidad. Samantalang ang Islam ay nagbigay sa atin ng gabay at patnubay na napapaloob sa Qur’an at sa Sunnah ng Propeta Muhammad (saw). Ang mga pinagmumulan ng kaalamang ito ay naglalaman ng mga pamantayan sa kagandahang asal na kapwa pirmihan at pangkalahatan, naangkop sa lahat ng panahon at pangyayari. Ang pamantayan ng moralidad sa Islam ay sinasaklawan ang pinakamaliit na bahagi ng ating pansariling pamumuhay hanggang sa pinakamalaking pangkalahatang bahagi ng ating pamumuhay. Ito ay ang nagbigay kalayaan sa atin upang hindi na aasa sa ibang pinagkukunan ng kaalaman.

 

 

Ang Nagpapatatag ng Moralidad

 

Ang pananaw ng Islam sa daigdig at ang kinalalagyan ng tao dito ay siyang nagpapatibay sa lahat ng bagay na nababatay sa ipinag-uutos ng moralidad. Ang Islam ay may matibay at matatag na katuwiran sa layuning hikayatin ang sangkatauhan upang mamalagi sa kanyang paniniwala sa moralidad at magtayo ng isang kaparaanan ng pamahalaan na nagtataguyod sa batas ng kagandahang-asal sa hanay ng kapangyarihan sa paggawa ng batas at pagpapatupad. Ang Islam ay umaasa sa likas na pagnanais sa kabutihan sa bawa’t puso ng tao na dulot ng pagmamahal at takot sa Allah (swt), ang pagkamalay sa pananagutan sa Araw ng Paghuhukom at ang pangako sa buhay na walang hanggan.

 

Samakatuwid, bago natin ipatupad ang isang pag-uutos sa kagandahang-asal, ang Islam ay matibay na iminumulat sa puso ng tao ang paniniwala na ang lahat ng kanyang mga pakikitungo sa mundong ito ay may kaugnayan sa Allah (swt). Maaring maglihim ng ilang bagay mula sa ibang tao, maaring matagumpay na malinlang ang iba, subali’t ang Allah (swt) ay lubos na nakababatid kung ano ang nangyari. Ang Allah (swt) ay ang Nakababatid, Nakakakita, ang Maalam. Batid ng Allah (swt) ang kaloob-loobang hangarin at mithiin kaya’t maging anuman ang gagawin ng tao sa buhay na ito hindi siya maaring makakatakas sa katotohanang darating ang araw ay mamamatay siya at lilitisin. Sa araw na yaon walang tutulong, walang kakampi, walang kinikilingan, walang pandaraya at ang panlilinlang ay hindi magtatagumpay; ang hustisya ay maipapatupad.

 

Katotohanan, malinaw na tanging ang may matatag at matibay na pananalig ang maaring magbigay-diwa sa tao upang isama itong mga kautusan ng moralidad sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay. Higit na mainam kapag ang isang tanyag na kuru-kuro ay maipapatupad sa pamamagitan ng kapangyarihan ng isang pamahalaan ang mga kautusang ito, at kung hindi ang isang tunay na naniniwala ay umaasa lamang sa kanyang pananalig sa Allah (swt).

 

 

Ang Natatanging Katangian sa Islam ng Saligan sa Kagandahang-asal 

 

Ang Islam ay siyang nagbigay sa sangkatauhan ng pinakamataas na antas ng saligan ng moralidad na ang pangunahing layunin ng tao ay upang kaluguran ng Allah (swt).

 

Ang Islam ay hindi nagbibigay ng dakilang katangian ng asal o naglalayung paliitin ang kahalagahan ng mga naitatag na kaugalian. Ang moralidad ay pinangangasiwaan ng pantay at pagkakabagay-bagay na nagtatalaga ng isang karapat-dapat na lugar at tungkulin sa bawa’t kagandahang-asal na napapaloob sa kabuoan ng paraan ng pamumuhay. Katunayan, ang sakop ng pagpapairal ay pinalawak upang saklawin ang bawa’t bahagi ng buhay ng tao kapwa sa sarili at sa samahan mula sa duyan hanggang sa libingan.

 

Ipinag-uutos ng Islam sa tao ang paraan ng pamumuhay na nagtataguyod sa kabutihan at pinapalaya ang lipunan mula sa kasamaan. Ang mga Muslim ay tinatawagan hindi lamang upang isabuhay ang kabutihang-asal nguni’t upang buhay ang loob na itatag ito sa kanilang pook na pinagkalakhan at upang putulin ang bisyo at kabulukan. Ang gawaing ito ay ang sama-samang tungkulin ng mga Muslim at sadyang isang araw ng pagdadalamhati kapag ang pagpupunyagi ng isang lipunan ay patungo sa landas ng kasamaan at pagpigil sa kabutihan.

 
< Prev   Next >